Nagbabala si Vice President Sara Duterte sa publiko hinggil sa mga tao o grupong mangongolekta ng pera gamit ang kaniyang pangalan.

“Babala sa publiko. Mag-ingat sa mga tao o grupong mangongolekta sa inyo ng pera gamit ang aking pangalan,” pahayag ni Duterte sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Disyembre 26.

“Magpapakilala sila bilang mga kawani ng Bureau of Customs o iba pang ahensya ng pamahalaan. Ang kanilang pakay ay ang makakuha sa inyo ng pera na umano ay pondo para sa kampanya. Ito ay isang scam,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng bise presidente na wala raw siyang inuutusan upang lumikom ng salapi para sa “politika” o kahit anong klase ng gawain o layunin.

OVP, nagbabala vs ‘fake news’ hinggil sa Christmas giveaways

“Huwag kayong magpaloko. I-report ang inyong nalalaman tungkol sa mga scam na katulad nito sa PNP,” ani Duterte.

Matatandaang kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag ang Office of the Vice President (OVP) upang paalalahan ang publiko hinggil sa “fake news” na mga post sa social media tungkol sa umano’y Christmas giveaways na ₱10,000 at grocery items mula kay Duterte.