Pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng reduced import rates sa mga produkto ng bigas, mais, at karne hanggang sa Disyembre 2024.
Base sa Executive Order No. 50 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, layon ng pangulo sa pagpapalawig ng reduce import rates na matiyak ang abot-kayang presyo ng mga bilihin sa gitna ng mga posibleng epekto ng El Niño at African Swine Fever.
"The present economic condition warrants the continued application of the reduced tariff rates on rice, corn, and meat of swine (fresh, chilled or frozen) to maintain affordable prices for the purpose of ensuring food security, managing inflationary pressures, help augment the supply of basic agricultural commodities in the country, and diversify the country’s market sources," pahayag ng pangulo sa EO.
Magiging epektibo raw ang pinalawig na reduce import rates sa bigas, mais, at karne hanggang sa Disyembre 31, 2024.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), inendorso ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang pansamantalang pagpapalawig ng pinababang Most Favored Nation (MFN) rates sa bigas, mais at karne ng baboy noong Disyembre 14, 2023, sa ilalim ng Executive Order No. 10, hanggang sa nasabing petsa.
Ipinag-utos naman umano ni Marcos sa NEDA Committee on Tariff and Related Matters na isumite ang mga natuklasan at rekomendasyon nito sa semestral at taunang pagsusuri ng tariff rates, kabilang na ang pagsusuri at pagsubaybay sa subject commodities.