Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Disyembre 23, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, at northern Quezon dulot ng shear line o ang pagsasalubungan ng mainit at malamig na hangin.

Posible namang makaranas na maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley dahil sa amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Samantala, ayon sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Bicol Region, Palawan, Visayas, at Mindanao bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Posible rin naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Ayon pa sa PAGASA, malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.