Humaplos sa damdamin ng netizens ang post ni Mar Zeus Katigbak, 30, mula sa Tanauan, Batangas, tampok ang wishlists ng mga bilanggo sa Pasay City Jail ngayong Kapaskuhan.

Base sa Facebook post ni Katigbak, makikita ang larawan ng mga isinulat na simpleng wishlists ng inmates, katulad ng toiletries, tsinelas, at gatas.

“Some of the wishlists sa Pasay City Jail. Napakasimple kumpara sa mga hiling natin sa buhay,” ani Katigbak sa kaniyang post.

“Bagama’t nagkasala sila sa batas ay hindi ibig sabihin ay dapat na silang pagkaitan ng simpleng kasiyahan,” dagdag pa niya.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Katigbak na ang naturang larawan ng mga wishlist ng inmates ay ipinadala lamang ng kaniyang sister-in-law sa kaniya dahil kasalukuyan siyang nasa Japan bilang isang overseas Filipino worker (OFW).

Ayon kay Katigbak, noong nasa Pilipinas pa lamang daw sila ng kaniyang asawa ay talagang nagbibigay ng tulong sa mga preso sa bilangguan.

“It started last 2020. That was pandemic time and may nakapagsabi sa wife ko na may mga inmates na may mga wishlist na nakasabit sa selda nila. Then nakipag-coordinate kami sa mga magdo-donate kaya nagpasabay na kami ng tulong,” kuwento niya sa Balita.

“I was surprised kasi napakasimple ng mga hiling nila like toiletries, tinapay, tsinelas, at simpleng chocolates na kaya nating bilhin at minsan sinasayang lang natin,” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ni Katigbak na mayroong isang beses na labis siyang naantig sa wishlist ng isang inmate, kung saan humiling daw ito ng mga damit para sa kaniyang mga anak at kaunting pagkain na pagsasaluhan ng kaniyang buong pamilyang nasa labas.

“Napaka-selfless and I was moved by his wish. Alam kong itong taong ito ay nagkasala sa batas at hindi niya na mababago ang nagawa niya, but as a human, hindi ko magawang hindi maawa sa mga taong ito na napakasimple ng mga hiling,” aniya.

Dahil dito, kahit nasa Japan na raw sila ng kaniyang asawa ay ipinagpapatuloy pa rin nila ang pagtulong sa mga bilanggo, tulad ng inmates sa Pasay City Jail.

“I posted the pictures last night kasi gusto kong i-share sa mga tao na napakaswerte natin sa labas na nakakakain tayo nang maayos, may tsinelas, may sabon na pampaligo, may unan, may electric fan o may sariwang hangin, damit at may maayos na tulugan,” ani Katigbak.

“While they may be considered as criminals, it’s important to recognize that they are still individuals who have basic needs,” saad pa niya.