Ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez na itinuturing niyang kaibigan si Vice President Sara Duterte.

Sa isang panayam sa telebisyon na inulat ng Manila Bulletin nitong Martes, Disyembre 19, tinanong si Romualdez kung magkaibigan pa rin sila ng bise presidente.

"I look at her as a friend and as my Vice President and as a secretary of education and yes, yes I do,” sagot naman ni Romualdez.

"I respect the vice president and also the secretary of education I respect her as a person and the office I still hold her in high regard," dagdag pa niya.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Samantala, inamin naman ng House leader na hindi na raw sila masyadong nakakapag-usap ni Duterte. Sa kabila nito, hindi raw sila magkaaway.

"Hindi naman magkaaway. Obviously si VP Sara, very busy now as the Vice President and secretary of DepEd, ako po naman dito sa lehislatura as Speaker of the House of Representatives we are busy...with all the priority legislative measures," saad ni Romualdez. 

Matatandaang si Romualdez ang tumayong campaign manager ni Duterte nang tumakbo ito bilang bise presidente noong nakaraang taon.

Samantala, naging usap-usapan kamakailan ang umano’y naging “lamat” sa pagsasama ng dalawa dahil daw sa nabigong pagtatangkang kudeta laban kay Romualdez ni dating pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na nawalan ng posisyon sa Kamara.

Tila kinampihan naman umano ni Duterte si Arroyo nang biglang magbitiw siya sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na pinamumunuan ng Romualdez.