Mahigit 100 indibidwal na umano ang naitalang nasawi dahil sa malakas na lindol na yumanig sa Gansu, China dakong 11:59 ng gabi nitong Lunes, Disyembre 18.

Sa ulat ng Agence France-Presse, namataan ang epicenter ng lindol 100 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng kapital ng probinsya ng Gansu, at may lalim na 10 kilometro.

Naitala ng US Geological Survey na nasa magnitude 5.9 ang lakas ng lindol, habang naiulat naman ng Xinhua na nasa magnitude 6.2 ito.

Sinundan din umano ng ilang maliliit na aftershocks ang naturang lindol.

National

4.7-magnitude na lindol, tumama sa Ilocos Norte

Kaugnay nito, umabot na umano sa 111 ang nasawi habang mahigit 100 ang nasugatan.

Ilang mga kabahayan at gusali rin ang gumuho dahil sa lakas ng lindol, habang naapektuhan din ang power at water supplies sa lugar, ayon sa ulat ng Xinhua.

Nagdeklara na rin umano si Chinese President Xi Jinping ng "all-out efforts" para sa rescue operations at relief work sa lugar.

Hindi ito ang unang beses na yanigin ng malakas na lindol ang China.

Matatandaang noong Setyembre ng nakaraan taon nang isang magnitude 6.6 na lindol umano ang tumama sa probinsya ng Sichuan, dahilan ng pagkamatay ng halos 100 katao.

Taong 2008 naman nang yanigin ng magnitude 7.9 na lindol ang bansa na naging dahilan ng pagkasawi o pagkawala ng 87,000 katao, kabilan na umano ang 5,335 estudyante.