Happy birthday, Lolo Kiko!
Ngayong Linggo, Disyembre 17, ang araw ng pagdiriwang ni Pope Francis ng kaniyang ika-87 kaarawan, kung saan siya na umano ang isa sa pinakamatatandang pontiff sa 2,000 taong kasaysayan ng simbahang Katolika.
Ipinanganak si Pope Francis noong Disyembre 17, 1936 sa Argentina.
Nahalal siya bilang pontiff noong Marso 13, 2013. Siya umano ang pinaka-unang non-European pope sa loob ng 1,300 taon.
Nagpaabot naman ng pagbati sa kaarawan ni Pope Francis ang mga simbahang Katolika ng bansa, kabilang na ang Manila Cathedral.
“Today our beloved Holy Father Pope Francis is celebrating his 87th birthday. We are always praying that God may grant him more healthy years in his pastoral ministry,” saad ng Manila Cathedral sa isang Facebook post.
“Mahal na mahal po namin kayo Lolo Kiko,” mensahe rin nito sa pope.
Nagsimulang tawagin ng mga Pilipino si Pope Francis na "Lolo Kiko" nang bumisita ito sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon noong Enero 2015.