Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ng mga prosecutor na buhayin ang mga kasong graft at malversation laban kay dating Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Zenaida Ducut kaugnay ng pagkakadawit umano sa maling paggamit ng ₱1.95 milyong halaga ng pork barrel ni dating Muntinlupa Rep. Rufino Biazon.

Idinahilan ng anti-graft court sa kanilang resolusyon, ang testimonya ni Dr. Romielyn Noche ng National Center for Mental Health (NCMH) na hindi pa nagbabago o bumubuti ang kalagayan ni Ducut na nakararanas pa rin ng dementia.

Pinagbatayan din ng korte ang medical report ng NCMH na may petsang Agosto 9, 2023 kaugnay ng sakit ni Ducut.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Pagdidiin ng hukuman, ibinasura rin nila ang mosyon dahil na rin sa "kakulangan ng merito."

“Given the current state of accused Ducut's mental problem, she is still unable to intelligently participate and defend herself from the charges she is facing,” bahagi ng resolusyon ng korte.

Nauna nang idinahilan ni Noche, nagkaroon ng pinsala sa utak si Ducut matapos ma-stroke noong 2019 na nagresulta sa unti-unting pagkapinsala ng kanyang utak o vascular dementia.

“As a patient with vascular dementia, Ducut will not be restored to complete functionality, and her medication only served to control the progression of her symptoms,” pagbibigay-diin pa ng hukuman.