Sumailalim sina SMNI program anchors Jeffrey "Ka Eric" Celiz at Lorraine Badoy sa medical check-up sa Kamara nitong Huwebes, Disyembre 7, sa gitna ng ikalawang araw ng idineklara nilang “hunger strike.”

Base sa impormasyong inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco nitong Huwebes, nasa normal umano ang kondisyon ng kalusugan nina Celiz at Badoy.

Isinagawa raw ang medical check-up ng dalawa dakong 11:15 ng umaga nitong Huwebes.

Sa naturang impormasyon ni Velasco, “normal with a cold” umano ang kondisyon ni Celiz, habang “normal” naman ang kay Badoy.

Badoy, Celiz nag-hunger strike kontra 'pagpasok' ng CPP-NPA-NDF sa Kongreso

Matatandaang nitong Miyerkules, Disyembre 6, nang ianunsyo ng dalawang anchor ng SMNI ang kanilang “hunger strike” bilang pagprotesta sa pagsailalim sa kanila sa kustodiya ng Kamara sa Batasan, Quezon City.

Nakasailalim sina Celiz at Badoy sa kustodiya ng Kamara hanggang sa maaprubahan umano sa plenaryo ang committee report sa imbestigasyon ng panel hinggil sa umano’y fake news peddling at red-tagging laban sa dalawang host ng SMNI.

Matatandaang nauna nang iginiit ni Celiz sa telebisyon na gumastos umano si Romualdez ng P1.8 bilyon sa kainyang mga paglalakbay para sa 2023. Hindi naman umano nito malinaw na binabanggit ang kaniyang source sa naturang alegasyon.

Sa isang pahayag ni Badoy nitong Miyerkules, sinabi niyang ang naturang strike ay laban din umano sa “infiltration ng CPP-NPA-NDF” sa loob ng Kongreso.

Samantala, sa pahayag ni Celiz nito lamang Huwebes, tinawag niya si House Speaker Martin Romualdez na isang “illegal president” na ginagamit umano ang Kamara para labanan ang mga kaaway nito sa pulitika.

https://balita.net.ph/2023/12/07/celiz-tinawag-na-illegal-president-si-romualdez/