Inaasahang makaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Disyembre 7, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, ibinahagi ni Weather Specialist Aldczar Aurelio na bahagyang lumakas ang amihan at inaasahan makaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon.

Kaugnay nito, posible umanong makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Apayao dulot ng amihan.

Maaari namang magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

National

OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, ang easterlies umano o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko ang posibleng magdala ng mainit na panahon na may kasamang saglit na mga pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Inihayag din naman ng PAGASA na posible ring magdulot ang thunderstorms ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa.

Sa kasalukuyan ay wala naman umanong binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).