Inamin ng Kapuso star at dating host ng "Eat Bulaga!" na si Alden Richards na nanonood din siya ng "It's Showtime," na bukod sa online at A2Z ay napapanood din sa GTV, ang sister company ng GMA Network.

Nitong Lunes, Disyembre 3, sa kauna-unahang pagkakataon ay bumisita si Alden sa nabanggit na programa kasama si Megastar Sharon Cuneta, para mag-promote ng pelikulang "Family of Two" na kabilang sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.

Matatandaang sa kasagsagan ng kasikatan ng phenomenal loveteam na "AlDub" ng EB kasama si Maine Mendoza, inamin ni Vice Ganda na halos sumuko na sila sa araw-araw dahil halos lahat yata sa buong Pilipinas, sa Kalyeserye nakatutok.

MAKI-BALITA: Pastillas Girl, inimbitahan ni Vice

National

Painting ni Amorsolo sa private museum sa NegOcc, ninakaw!

Sa naganap na pag-exodus ng TVJ o Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon sa GMA Network at paglipat naman sa TV5, hindi na nakasama sa Dabarkads si Alden dahil sa kaniyang kontrata sa network. Isa si Alden sa mga itinuturing na priced talents at A-lister ng Kapuso Network.

Pumayag daw si Alden na bumisita sa It's Showtime upang ipakitang wala nang network war.

"Aaminin ko rin naman, nanonood din naman ako ng 'Showtime.' So it's an honor to be here. Kaya rin po ako talaga nandito ngayon is to really show (na wala na) 'yong network wars o the misunderstanding. Kasi isa lang naman talaga ang gusto nating gawin, 'yong mapasaya, 'yong mga nanonood sa atin," aniya.

Sundot naman ni Vice Ganda, "Alam n'yo po kaming lahat kahit magkakasabay ang mga programa namin, pinanood din naman namin ang isa't isa and we don't mind. Nagkikita-kita kami sa mga lugar, nagyayakapan din kami."