4 patay sa bombing attack sa Marawi
4 patay sa bombing attack sa Marawi
Apat ang naiulat na nasawi matapos pasabugan ang mga dumadalo ng misa sa loob ng gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo ng umaga.
Dead on the spot ang apat na estudyante dahil na rin sa matinding pinsala sa katawan, ayon sa pulisya.
Sa pahayag ni Lanao del Sur police director Col. Robert Daculan, ang insidente ay naganap sa gymnasium kung saan idinadaos ang misa dakong 7:00 ng umaga.
"Many were down on the floor after the blast," paliwanag ni Daculan sa panayam sa radyo sa Marawi City.
Aabot sa 40 ang nasugatan sa insidente, ayon naman kay Philippine Army-103rd Infantry Brigade spokesperson Lt. Col. Palawan Miondas at sinabing isinugod ang mga ito sa Amai Pakpak Medical Center.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Police Provincial Office spokesperson Maj. Alinaid Moner, ang pagsabog ay dulot ng isang granada batay na rin sa initial forensic investigation ng pulisya.
May teorya naman si Brig. Gen. Allan Nobleza, Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) director, konektado ang insidente sa pagkasawi ng 11 miyembro ng Dawlah Islamiyah terrorist group sa isang sagupaan sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao nitong Biyernes.
“That was one of the angles na tinitingnan namin," dagdag pa ni Nobleza.
May dagdag na ulat ng PNA