Dalawang Filipino nationals ang binitay sa China noong Nobyembre 24, 2023 dahil sa kasong drug trafficking, pagkumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado, Disyembre 2.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na 2013 pa nang arestuhin ang dalawang Pinoy sa China, habang 2016 naman umano nang hatulan ang mga ito ng death penalty.

Ayon pa sa DFA, nagkaloob ang Philippine Consulate General in Guangzhou at Office of the Undersecretary ng Department of Migrant Workers (DMW) ng kinakailangang tulong para sa mga biktima, kabilang na ang legal counsel.

Umapela rin umano ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga awtoridad sa People's Republic of China upang gawin na lamang habambuhay na pagkakakulong sa "humanitarian grounds" ang maging sentensya sa dalawang Pinoy.

National

OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

"Our repeated appeals were consistent with the laws and values of our nation, which put the highest premium on human life. In the end, the Chinese government, citing their internal laws, upheld the conviction, and the Philippines must respect China’s criminal laws and legal processes,” anang DFA.

Inihayag din ng ahensya na nakausap naman umano ng dalawa ang kanilang mga pamilya bago sila bitayin.

“We offer our most sincere condolences to their families and loved ones. We respect the wishes of their families for privacy, and as such are withholding the identities of the two Filipinos. The Department likewise, deferred from immediately announcing this sad development pending receipt from the Chinese side of the formal notification of their execution,” saad nito.

Ayon sa DFA, 92 mga Pilipino sa China ang nahaharap sa sentensyang death penalty. Isa lamang umano sa mga ito ang may kasong walang kinalaman sa droga.

Mula sa naturang 92 Pinoy, dalawang kaso ang nailipat na sa habambuhay na pagkakakulong, habang 86 na kaso ang ibinaba sa fixed-term sentences.

Pinatawan naman umano ang natitirang apat ng parusang kamatayan, kabilang ang kaso ng dalawang Pinoy na binitay na.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DFA ang mga Pilipinong bumibiyahe sa ibayong dagat na maging mapagmatyag sa modus operandi ng mga sindikato ng droga upang hindi umano mabiktima nito.

"While the Philippine government will continue to exhaust all possible avenues to assist our overseas nationals, ultimately it is the laws and sovereign decisions of foreign countries and not the Philippines which will prevail in these cases," saad ng DFA.