Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Nobyembre 25, dulot pa rin ng northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Quezon, Laguna, at Bicol Region bunsod ng shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Aurora dahil sa amihan.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Inihayag din naman ng PAGASA na maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng CALABARZON at Central Luzon, at Ilocos Region.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).