Napuruhan agad ang mukha ni San Miguel Beermen rookie Kyt Jimenez sa kaniyang unang laro sa Philippine Basketball Association o PBA.
Sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 20, ibinahagi niya ang larawan ng injured niyang mukha.
Ayon sa kaniya, na-diagnose umano siya na may blowout fracture sa boundary ng kaniyang mga mata at ilong.
“Welcome to the PBA talaga TRX Nation! Salamat sa lahat ng nagaalala, nangangamusta at nagdadasal para sakin. Mga kaTRX wag na din po tayo makipagtalo sa iba na nambabash pa sa injury ko, hayaan na yun guys nababasa ko maraming salamat. Update ako ulit soon!” saad ni Kyt.
“Maraming salamat San Miguel Beermen sa pagasikaso po sa akin hanggang madaling araw, at congrats sa atin po!” aniya.
Sa huli, nagawa pang magbiro ng basketbolista: “Mukha daw ako nakipag one on one kay Boss MP HAHAHAHA”
Bagama’t na-injure, nagawa namang masungkit ng team ni Kyt ang panalo kontra Meralco Bolts sa iskor na 93-83.