Inaasahang magpapaulan ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Nobyembre 20, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Bicol Region, at MIMAROPA dulot ng shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao, at Quezon bunsod ng amihan.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Inihayag din naman ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, ayon kay PAGASA Weather Specialist Obet Badrina, nalusaw nitong Linggo, Nobyembre 19, ang binabantayan nitong low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).

Dahil dito, sa kasalukuyan ay wala na umanong binabantayan ang PAGASA na LPA sa loob o labas ng PAR.