Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Nobyembre 18, na dalawang low pressure area (LPA) ang binabantayan nito sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA nitong 4:00 ng umaga, inihayag ni weather specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang LPA na nasa loob ng PAR 605 kilometro ang layo sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Nananatili umanong mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa mga susunod na mga araw.

Samantala, inihayag din ni Villamil na huling namataan ang LPA sa labas ng PAR sa layong 2,495 sa silangan ng Mindanao. Maliit din ang tsansa nitong maging bagyo, at wala pa umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.

National

LPA sa labas ng PAR, posibleng maging bagyo – PAGASA

Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, maaaring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Northern Mindanao, Caraga at Davao Region dulot ng trough ng LPA sa loob ng PAR at ng shear line.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao at Bicol Region bunsod ng northeast monsoon o amihan.

Bukod dito, maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon, ayon sa PAGASA.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, inihayag din naman ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.