Pinaghahanap na ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang mangingisda matapos mawala nang pumalaot sa Patnanungan, Quezon nitong Nobyembre 14.

Sa Facebook post ng PCG, nakilala ang mangingisda na si Willie Miranda, 50, taga-Brgy. Poblacion, Patnanungan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Naiulat na umalis sa kanilang lugar si Miranda, sakay ng kanyang bangka upang mangisda sa pagitan ng Patnanungan at Polillo Island, Quezon nitong Nobyembre 14, dakong 5:00 ng madaling araw.

Ayon sa Coast Guard, humingi sa kanila ng tulong ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa Patnanungan kaugnay ng insidente.

Bilang tugon, naglunsad ng search and rescue operation ang PCG at MDRRMO sa pag-asang matunton pa si Miranda.

Gayunman, nabigo ang mga rescue team kaya't humingi na rin sila ng tulong ng CCSS sa Polillo upang mapabilis ang paghahanap.

Nanawagan na rin ang PCG sa mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad sakaling ito ay mamataan.