Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte si Senador Miriam Defensor-Santiago sa ginanap na seremonya hinggil sa pagpapangalan ng dalawang kalsada sa Quezon City sa namayapang senador.

Matatandaang naging ganap na batas kamakailan ang panukalang naglalayong ipangalan kay Santiago ang dalawang kalsada sa QC na Agham Road at BIR Road.

Ito ay bilang pag-alala umano sa malaking ambag ng senador sa lipunan at sa bansa.

2 kalsada sa QC, pangangalanan nang ‘Miriam Defensor-Santiago Avenue’

Sa isinagawang renaming ceremony nitong Sabado, Nobyembre 11, inihayag ni Duterte na sumasalamin ang magiging “Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue” sa pagmamahal ni Santiago sa bayan bilang tunay na public servant.

“This is a tribute to her incredible achievements and a reminder of her unwavering dedication and love of country. Senator Miriam Santiago was a truly inspiration and her legacy will continue to inspire future generation,” ani Duterte sa kaniyang talumpati sa seremonya.

“Her life story is a testament to the Filipino youth that anything is possible if we put our heart and soul into it,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, binanggit ni Duterte ang paglalakbay ng dating senador mula sa lalawigan ng Iloilo upang maging unang Pilipino na nahalal bilang hukom ng International Criminal Court (ICC) na nakabase sa Hague noong 2011.

Gayunpaman, hindi na nakapaglingkod si Santiago sa ICC, at humiwalay sa posisyon noong 2014 dulot ng chronic fatigue.

Si Santiago rin ang kauna-unahang Filipino commissioner para sa International Development Organization, at tumanggap ng Magsaysay Award para sa Government Service noong 1988.

Nagsilbi ang dating senador sa tatlong sangay ng gobyerno, at tumakbo bilang pangulo noong 2016 elections.

“Her achievements are a testament to the power of hard work and perseverance in adversity,” ani Duterte.

“As we stroll along this newly dedicated road, let us all take a moment to remember Senator Miriam's bravery and conviction. She fought tirelessly to improve the lives of our fellow Filipinos, and her legacy will continue to inspire us to do the same.”

“May this road serve as an expression of our gratitude for a remarkable and unforgettable and colorful Filipina who fought for truth and upheld legal brilliance while fighting against corruption in the government,” saad pa niya.

Bukod naman sa bise presidente, dumalo rin sa renaming ceremony ang asawa ni Senador Miriam Defensor-Santiago na si Atty. Narciso Y. Santiago Jr., kapatid ni Senador Santiago na si Dra. Linnea Evangelista, sina Senador Francis Tolentino, Senador Mark Villar, Senador Koko Pimentel, Senador Robin Padilla, Mayor Joy Belmonte, District 1 Rep. Arjo Atayde, at si dating Speaker of the House Sonny Belmonte.