Patuloy na nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Nobyembre 11.
Sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes at Cagayan, kabilang na ang Babuyan Islands, ngayong Sabado.
Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Maaari namang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng easterlies o ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, ang easterlies ay ang mainit na hangin na nanggagaling sa karagatang Pasipiko.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, inihayag ni PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio na mayroon silang binabantayan ngayon na isang low pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huli umano itong namataan 2,330 kilometro ang layo sa silangan ng Mindanao.
“Malayo po itong LPA kaya’t wala po itong direktang epekto sa ating panahon ngayong araw,” saad naman ni Aurelio.