Taga-Cavite, nanalo ng ₱147.3M sa lotto
Naging instant millionaire ang isang taga-Cavite matapos manalo ng mahigit sa ₱147.3 milyong jackpot sa Super Lotto 6/49 draw kamakailan.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes, nagtungo ang nasabing mananaya sa main office ng ahensya sa Mandaluyong City nitong Oktubre 17 at kinubra ang napanalunang ₱147,354,716.40.
Iginiit ng PCSO, nahulaan ng mananaya ang 6 digits winning combination na 47-35-02-13-38-17 sa isinagawang draw nitong Oktubre 15.
"Hindi ko alam na ako 'yung nanalo kaya inulit kung tinitingnan results ng draw sa Facebook," pagdidiin ng lotto winner.
Nasa 20 porsyento ang ibinawas ng PCSO sa naturang premyo alinsunod na rin sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
PNA