Inaasahang magpapaaulan sa ilang bahagi ng bansa ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsiblity (PAR), northeast monsoon o amihan, at shear line ngayong Huwebes, Nobyembre 9, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang lalawigan ng Palawan dulot ng LPA.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Huling namataan ang naturang LPA 395 kilometro ang layo sa west northwest ng Puerto Princesa, Palawan, ayon kay PAGASA Weather Specialist Patrick Del Mundo.

Ilang LGUs naglabas na ng guidelines para sa Undas 2024

Maliit naman umano ang tsansang maging bagyo ang LPA at inaasahan na rin itong lumabas ng PAR ngayong araw.

Samantala, magdudulot naman maulap na kalangitan at katamtamang mga pag-ulan ang amihan sa Batanes at Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Bukod dito, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng easterlies o ang mainit umanong hangin na nanggagaling sa karagatang Pasipiko at ng localized thunderstorms.

Posible rin umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.