
(Presidential Communications Office/FB)
Presidente ng Timor-Leste, bumisita sa Pilipinas
Dumating na sa Pilipinas si Timor-Leste President José Ramos-Horta nitong Miyerkules para sa kanyang state visit sa layuning mapatatag ang relasyon ng dalawang bansa.
Naging mainit ang pagtanggap nina Philippine Ambassador to the Democratic Republic of Timor-Leste Belinda Ante at Manila International Airport Authority Assistant General Manager Manuel Gonzales kay Ramos-Horta sa pagdating nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong 2:00 ng hapon.
Nangako si Marcos na patuloy na susuportahan ng Pilipinas ang Timor-Leste sa isiningit na bilateral meeting sa idinaos na 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia nitong Mayo.
“In the Philippines, you have a partner. We have always been supportive,” pahayag ni Marcos kay Timor-Leste Prime Minister Taur Matan Ruak.
Makikipagpulong si Marcos kay Ramos-Horta upang mapaigting pa ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa larangan ng technical, political, educational, at economic partnerships.
Bukod kay Marcos, inaasahang dadalo rin sa pagpupulong sa Malacañang ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Justice (DOJ), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).