Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Nobyembre 7, bunsod ng northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Surigao del Norte, Dinagat Islands, at Quezon dahil sa easterlies o ang mainit umanong hangin na nanggagaling sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang inaasahan pa ring maranasan sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa amihan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng localized thunderstorms.

Posible rin umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag naman ng PAGASA na sa kasalukuyan ay wala itong binabantayang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas na Philippine area of responsibility (PAR).