Nagbitiw si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd district Rep. Aurelio "Dong" Gonzales Jr. bilang miyembro at opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bago niya pinangalanan ang kaniyang party-mate na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang naglabas umano ng pahayag ng pag-atake sa reputasyon ng Kamara.

Sa isang plenary session nitong Lunes, Nobyembre 6, tinanong ni Albay 1st district Rep. Edcel Lagman kung sino ang nagsabi na isang “rotten institution” ang Kamara.

“I would also feel bad hearing that accusation that the House is rotten. But may we know who uttered that statement? Was it a comic, or a leader or previous leader of this country?” saad ni Lagman.

Nang hindi ito agad pinangalanan ni Gonzales, sinabi ni Lagman: "Why is the name of that accuser so sacrosanct that we cannot mention it before this body?"

‘Titindig ako!’ Romualdez, nangakong lalabanan umaatake sa Kamara

Humiling naman ng 1-minute suspension si Gonzales bago niya tuluyang sagutin ang naturang tanong.

"I will answer the question… But before I answer your question, Mr. President of the PDP party, are you here? Mr. President, Congressman Alvarez—the one who uttered that word is our chairman from PDP-Laban," saad ni Gonzales.

"Before I answer, I will resign now as member and officer of PDP-Laban. The former president, Rodrigo Roa Duterte, [was] the one who said that, Mr. Chairman," dagdag pa niya.

Makikita namang pinuntahan ni Gonzales si Alvarez para batiin at yakapin matapos ang kaniyang naging pagsagot.

Isa si Gonzales sa mga sponsor ng House Resolution No.1414, na naglalayon umanong pagtibayin ang integridad ng Kamara at magpahayag ng “appreciation,” “solidarity,” at suporta para sa leadership ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa kaniya namang talumpati sa naturang sesyon, nangako si Romualdez na titindig siya at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

Matatandaang sinabi ni dating Pangulong Duterte kamakailan sa isang panayam ng SMNI sa telebisyon na ang Kongreso umano ang “most rotten institution” sa bansa dahil wala raw “limit” ang “pork barrel” dito.

Magde-demand din daw ang dating pangulo ng audit kung paano ginastos ni House Speaker Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/

Samantala, iginiit naman kamakailan ni Romualdez na in-abolish na umano ng Kamara ang sistema ng “pork barrel.”

https://balita.net.ph/2023/11/04/pork-barrel-system-in-abolish-na-ng-kamara-romualdez/