Patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.

Batay sa pinakahuling National Covid-19 Case Bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 5, ay nasa 895 na lamang o wala pang 1,000, ang mga bagong kaso ng sakit na naitala sa bansa.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ayon sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 128 na lamang.

Mas mababa ito ng 18% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Oktubre 23 hanggang 29.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, 12 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Wala rin namang naitalang pumanaw sa sakit noong Oktubre 23 hanggang Nobyembre 5.

Iniulat din ng DOH na hanggang noong Nobyembre 5, 2023, mayroong 276 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.

Anila, sa 1,444 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, nasa 178 o 12.3% ang okupado habang 2,182 o 17.7% naman ng 12,348 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa.