Ipina-deport na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian na inakusahan ng pang-aabuso ng ka-live-in partner na Pinay at sa batang anak, gayundin ang isang puganteng Chinese na wanted naman sa ilegal na negosyo sa kanilang bansa.

Ang unang dayuhan ay kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco na si Peter David Maxwell, 66.

Si Maxwell ay dinakip ng mga tauhan ng BI-Intelligence Division and Fugitive Search Unit (FSU) sa Morong, Bataan nitong Oktubre 25.

Paliwanag ni Tansingco, hindi dapat mabigyan ng pribilehiyong manatili sa bansa ang banyagang katulad ni Maxwell dahil sa pananakit sa kinakasama at anak nito.

National

PBBM, may napipisil nang kapalit ni Abalos bilang kalihim ng DILG

Natuklasan ding expired na ang visa ni Maxwell noong 2018 at hindi na rin valid ang pasaporte nito kaya't naging ilegal na ang pananatili nito sa bansa.

Dinampot naman ang Chinese na si Xiao Peng, 51, sa kanyang bahay sa Costa del Sol Subd., Brgy. Suba-Basbas, Lapu-Lapu City nitong Nobyembre 2.

Paliwanag ng BI, isinagawa nila ang pag-aresto kay Peng sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng public security bureau sa Jiangle County, Western Fujian, dahil sa ilegal na pagbebenta ng mga makina sa paggawa ng sigarilyo.

Hindi na nakalaban ang nasabing dayuhan nang arestuhin ng mga tauhan ng FSU sa bahay nito sa Costa del Sol Subd., Barangay Suba-Basbas, Lapu-Lapu City nitong Nobyembre 2, ayon pa sa BI.

PNA