Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Nobyembre 4, dahil sa shear line at cloud clusters o kumpol ng kaulapan sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdala ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang posibleng maranasan sa Eastern Visayas at Caraga dahil naman sa cloud clusters sa silangang bahagi ng bansa.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

Ex-Pres. Duterte, inimbitahan na ng House Quad Comm hinggil sa pagdinig sa drug war

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil, posibleng maging low pressure area (LPA) ang naturang cloud clusters sa mga susunod na araw.

Gayunpaman, sa paglapit umano nito sa kalupaan ng bansa ay posible na itong tuluyang malusaw.

Mababa rin ang tsansang maging bagyo ang naturang cloud clusters, ayon kay Villamil.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.