Nagpaabot ng pagbati si House Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay House Speaker Martin Romualdez dahil sa pagtaas umano ng trust rating nito sa survey ng OCTA Research na inilabas kamakailan.
"I would like to congratulate House Speaker and Lakas President Martin Romualdez on the recent OCTA Research Report reflecting a +6% increase in Trust Rating to 60%," pahayag ni Arroyo sa isang pahayag nitong Huwebes, Nobyembre 2.
Matatandaang sa inilabas na resulta ng survey ng OCTA noong Linggo, Oktubre 29, tumaas sa 60% ang trust rating ni Romualdez nitong Oktubre, mula sa 54% na natanggap niya noong Hulyo.
Samantala, mula sa 55% noong second quarter ng taon ay tumaas din umano sa 61% ang approval rating ng House leader nitong Oktubre 2023.
Bukod naman kay Arroyo, ilang mga mambabatas din ang nauna nang nagpaabot ng pagbati sa House leader, tulad ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
Sa pahayag ni Gonzales kamakailan, iginiit niyang ipinapakita umano ng naging pagtaas ng trust at approval ratings ni Romualdez na suportado ng mga Pilipino ang desisyon ng Kamara na i-realign ang confidential funds ng ilang mga ahensya ng gobyerno.