Sa paggunita ng Undas kung saan nagkalat na rin ang mga kuwento ng katatakutan, maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagsalaysay ng mga kuwentong kababalaghan na naramdaman umano niya sa loob mismo ng Malacañang.

Sa kaniyang vlog na pinamagatang “Mga Multo sa Malacañang” na inilabas nitong Martes, Oktubre 31, habang kasama ang kaniyang anak na si Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos ay inisa-isa ng pangulo ang mga nakakatakot umano niyang naranasan sa loob ng Palasyo mula nang kabataan niya hanggang sa kasalukuyan.

Kuwento ni Marcos, noong unang beses daw silang dumating sa Palasyo noong maupo bilang pangulo ang ama niyang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa reception hall daw natutulog ang kanilang mga security guard. Kung minsan daw sa gabi ay mayroon umanong dumadating sa naturang hall na isang lalaking ginigising sila.

Tinatawag daw ng mga security guard ang multong iyon na “Father Brown.”

10 lugar sa bansa na nababalot ng kababalaghan

“Noong tiningnan namin ang kasaysayan dito sa Palasyo, mayroon daw talagang Father Brown na Amerikano na noong panahon ng mga Amerikano ay dito nagtatrabaho at mukhang hindi na umalis dito sa Palasyo at pinupuntahan nga ang mga security natin,” ani Marcos.

Inihayag din ng pangulo na noong lumabas siya sa kaniyang kuwarto isang gabi, bigla raw tumambad sa kaniya ang mga upuang naggagalawan.

“Nagsisisigaw ako dito. Tumakbo ako, sinumbong ko sa security. Sabi ko, ‘may multo.’ sabi, ‘sino ‘yan? Si Father Brown lang siguro ‘yan’,” saad ni Marcos.

Bukod dito, may mga pagkakataon din daw kung saan isa lamang sa mga chandelier sa Palasyo ang nakikita nilang gumagalaw, at hindi raw nila mawari kung paano iyon nangyari.

Kinuwento rin ng pangulo na may mga gabi raw na tuwing naglalakad siya sa hagdan sa front door papasok sa Palasyo ay nararamdaman umano niyang parang may nakatingin sa kaniya mula sa kaniyang likod.

“Paatras tuloy ako paakyat. Nakakatakot dahil alam ko na—talagang alam n’yo naman minsan kapag naglalakad ka, mararamdaman mo kapag may nakatingin sa’yo eh, o may sumusunod sa’yo. Ganoon ang pakiramdam ko,” saad ni Marcos.

Bukod dito, kinuwento rin ng pangulo na may isang beses na nag-ghost hunting siya kasama ang kaniyang mga kaibigan sa Palasyo, at doon ay nakita raw nila kung paanong bumukas ang pinto nang mag-isa.

“Naalala ko ‘yun eh, alas-dos ng umaga ‘yun. Takbo kaming don sa kuwarto, in-on lahat ng ilaw, nagpatugtog kami ng malakas na music para mawala ‘yung takot namin doon sa nangyari sa amin,” saad ni Marcos.

Sa kaparehong vlog ay inihayag din ng pangulo na itinayo umano ang gusali ng Malacañang noong 1750s, kung saan una umano itong naging summer house bago ito nabili ng estado upang tirahan ng mga gobernador-heneral, hanggang sa kalauna’y naging tahanan ng pangulo ng bansa.

?fbclid=IwAR0KR1uqlvvekOrZmT84fqfXSIMwHNXUrXj4-nvF8OQstG1LG8B5BLuIXfA