Muling bumaba ang approval at trust rating nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte pagdating sa ikatlong quarter ng taon, ayon sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na inilabas nitong Linggo, Oktubre 29.
Base sa survey ng OCTA, mula 71% noong Hulyo 2023 ay naging 65% na lamang umano ang approval rating ni Pangulong Marcos nitong Oktubre 2023.
Bumaba rin umano ang trust rating ng Pangulo, kung saan mula 75% noong second quarter ng taon ay naging 73% na lamang ito nitong third quarter ng taon.
Samantala, mula 82% noong Hulyo ay naging 70% na lamang umano ang approval rating ni Vice President Duterte nitong ikatlong quarter ng 2023. Ito umano ang nakitaang pinakamalaking puntos ng pagbaba sa naturang survey.
Bukod dito, 75% naman umano ang patuloy na nagtitiwala sa bise presidente, ngunit mas mababa pa rin ang datos na ito kung ikukumpara sa 83% na natanggap niya noong Hulyo.
Isinagawa umano ng OCTA ang naturang survey mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, 2023 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa bansa na may edad 18 pataas.