Bumaba ang trust at approval rating nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte sa ikalawang quarter ng taon, ayon sa Tugon ng Masa survey ng OCTA na inilabas nitong Martes, Setyembre 26.

Second Quarter 2023 Tugon ng Masa Survey / OCTA Research/ via MB

Sa naturang survey ng OCTA, makikita ang pagbaba ng trust rating ni Marcos, kung saan mula sa 83% noong Marso 2023 ay naging 75% ito noong Hulyo 2023.

Gayunpaman, base sa pinakahuling datos ng OCTA, 8% lamang umano ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila nagtitiwala sa Pangulo, habang 17% ang nananatiling “undecided.”

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Maging sa trust rating ni Duterte ay nagkaroon din umano ng pagbaba, mula sa 87% noong first quarter ay naging 83% ito noong second quarter ng taon.

Samantala, 2% lamang sa mga respondent ang hindi nagtitiwala sa bise presidente habang 14% ang “undecided,” ayon din sa pinakabagong survey ng OCTA.

Pagdating naman sa approval rating, ayon sa OCTA, 71% ng mga Pilipino ang nasisiyahan sa performance ni Marcos, ngunit mas mababa pa rin ito kung ikukumpara sa 80% na naitala noong Marso 2023.

Samantala, 10% lamang umano ang “dissatisfied” sa performance ng Pangulo, base sa pinakabagong survey ng OCTA, habang 19% ang “undecided.”

Bahagya ring bumaba ang approval rating ni Duterte, mula sa 84% noong Marso 2023 ay naging 82% umano nitong Hulyo 2023.

Gayunpaman, lumabas din umano sa pinakabagong survey na 4% lamang ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa performance ng bise presidente, habang 14% ang nananatiling “undecided.”

Isinagawa umano ang Second Quarter 2023 Tugon ng Masa survey ng OCTA mula Hulyo 22 hanggang 26, 2023 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 mga Pilipino sa bansa na may edad 18 pataas.