Kontrobersyal ngayon ang pangalan ni Franco Mabanta dahil sa kamakailang naging pagtugis ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaniya at apat pa niyang kasamahan noong gabi ng Martes, Mayo 5, 2026.
Base sa mga kumalat na ulat noong Martes, tiniklo ng mga awtoridad si Mabanta dahil sa umano’y bantang extortion niya at kaniyang mga kasamahan kay Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Matatandaang ang pangalan ni Romualdez ang isa sa mga may pinakamainit sa mata ng publiko at awtoridad dahil sa umano’y posibleng koneksyon ng naturang mambabatas sa korapsyon sa General Appropriations Act (GAA) at national budget sa Kamara.
Samantala, pinabulaanan naman na ito ni Romualdez noong Abril 21 nang mag-upload siya ng video statement sa kaniyang Facebook page at sinabi niyang tila imposible raw na maging “mastermind” siya ng korapsyon sa bansa kung isa lamang daw sa mga sangay ng gobyerno ang House of the Representatives.
KAUGNAY NA BALITA: 'How can I be the mastermind?' Romualdez, pinabulaanang ulo siya ng korapsyon!
Sa kabila nito, sino nga si Mabanta at bakit siya hinuli ng mga awtoridad dahil sa alegasyong pagbabanta nila ng extortion kay Romualdez? Ayon sa mga lumabas na ulat nitong Miyerkules, si Mabanta ay isang social media personality, political content creator, at isa sa mga nagtatag ng Peanut Gallery Media Network (PGMN).
Ayon sa deskripsiyon nila sa kanilang Facebook page, ang PGMN ay isang media channel sa Pilipinas na nagsusulong ng malayang pagpapahayag tungkol sa mga konserbatibo, liberal, Duterte supporters, Loyalist, Kakampink, at iba pang mga grupong naglalayong magkaroon ng espasyo para sabihin nila ang kanilang ninanais nang walang censorship.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 671k ang followers ng naturang page nina Mabanta.
Kung bibisitahin naman ang personal na Facebook account ni Mabanta, makikita sa kaniyang feed ang kaniyang online political campaigns para sa pagsuporta niya sa naging kampanya noon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matatandaang katambal ni PBBM sa kampanya si Vice President Sara Duterte noong 2022 National Elections.
Tumayo rin umano si Mabanta bilang dating social media director o digital campaign figure sa Presidential bid ni PBBM noon.
Nang manalo bilang Pangulo si PBBM at Vice President si VP Sara, naiulat na pumasok si Mabanta sa pagnenegosyo at doon nila naitatag ang media channel nilang PGMN.
Base pa sa mga inupload ng political commentator at Duterte supporters na sina Sass Sasot at Alvin Sarzate sa kanilang Facebook accounts nitong Miyerkules, Mayo 6, makikita ang mga lumang post ni Mabanta mula noong 2018 hanggang 2019 kung saan kasama niya sina PBBM at panganay na anak ng Pangulo na si Ilocos Norte 1st District Representative at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Idagdag pa ang naging FB post ni Mabanta noong Marso 1, 2018, kung saan mababasang tinawag niyang “Tito Bongbong” si PBBM at “Tita Liza” si First Lady Liza Araneta-Marcos.
“Thank you to my best friend Franz Gerard Reyes Imperial, Tito Bongbong and Tita Liza Marcos, and everyone who made me feel so very happy last night. You guys are sneaky!” ani Mabanta.
Sa kabila nito, mariin namang pinabulaanan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Miyerkules, Mayo 6, na kaibigan ng Pangulo si Mabanta.
“Hindi po siya kaibigan ng Pangulo pero siguro mas nanaisin ko po kung ito po ang inyong itatanong—dahil ito po ay mismong pinost ni Franco Mabanta,” ani Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, kinuwestiyon koneksyon ni Franco Mabanta sa mga Duterte!
Bagama’t hindi pa naglalabas ng anomang pahayag, reaksyon, o tugon si Romualdez kaugnay sa naging paghuli ng mga awtoridad kay Mabanta, nagawang maglabas ng pahayag ng huli sa Facebook page nila sa PGMN nito ring Miyerkules.
Ani Mabanta, inosente raw sila at setup lang daw ang naging paghuli sa kanila dahil natapos na raw kasi nila ang isinagawa nilang komprehensibo at mapanganib na pananaliksik para himayin ang umano’y korapsyon ni Romualdez noong nanunungkulan pa ito bilang Speaker sa Kamara.
“There was no extortion. There were ZERO threats from us. That’s all bullshit. The ‘evidence’ provided showed one side of the story. We committed NO CRIME: AND WE CAN PROVE IT,” paglilinaw niya.
Aniya pa, nakabuo raw kasi sila ng videong may tagal na 90 minuto kung saan nagpapakita iyon ng mga mabibigat ng ebidensya laban kay Romualdez at maaari na nila sana iyong ilabas sa kanilang mga social media platforms.
“In light of this, even before the arrest, I gave specific/explicit instructions that if anything — literally ANYTHING, be it fatal or injurious — happens to any of us in any capacity, our legal teams and trusted allies are to fully publish the 90-minute exposé on every major social media platform for everyone in the Philippines to see,” babala ni Mabanta.
Samantala, habang sinusulat ito, nananatili pa rin sa kustodiya ng NBI si Mabanta at ang kaniyang mga kasamahan.
KAUGNAY NA BALITA: 'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez
KAUGNAY NA BALITA: Franco Mabanta, may 90 minutong video sa umano'y korapsyon ni Romualdez!