Pumatutsada si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kaugnay sa posible umanong koneksyon ng political content creator at founder ng Peanut Gallery Media Network na si Franco Mabanta kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte.
Matatandaang natiklo ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta at apat na iba pa noong gabi ng Martes, Mayo 5, 2026, dahil sa umano'y bantang extortion kay Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Miyerkules, Mayo 6, 2026, kinomento niyang nais lang naman daw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na managot sa lahat ng pagkakataon ang mga may koneksyon sa krimen
“Ang nais naman po ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon, managot ang dapat na managot. Kung meron po silang dapat na panagutan, kung meron po silang ginagawang krimen, dapat lamang po nila itong panagutan,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Definitely, kailangan po ng due process sa lahat ng bagay.”
Giit ni Castro, hindi raw kaibigan ni PBBM si Mabanta at mas marapat daw na tanungin ng media at publiko kung ano ang koneksyon ng huli sa mag-amang sina FPRRD at VP Sara.
“Hindi po siya kaibigan ng Pangulo pero siguro mas nanaisin ko po kung ito po ang inyong itatanong—dahil ito po ay mismong pinost ni Franco Mabanta,” aniya.
Pagpapatuloy niya, “Baka ito po ang itanong ninyo kung ano po ang relasyon niya sa mga Duterte.”
Matapos nito, ipinakita ni Castro ang dalawang larawan kung saan makikitang kasama ni Mabanta sina FPRRD at VP Sara.
Screenshot mula sa RTVM.
Pahabol pa niya, “Nandyan pa nga po si Harry Roque.”
Saan ni Castro, ang media na raw dapat ang magtanong kung ano ang koneksyon ni Mabanta sa dating Pangulo at sa Bise dahil marami raw itong artikulong tumutuligsa sa administrasyon noon pa man.
“Kayo po ang magtanong sa kaniya lalong lalo na po at marami naman po ata siyang na-feature sa kaniyang mga article na halos ay kumakalaban sa administrasyon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Mabanta nito ring Miyerkules ang alegasyong pagbabanta nila ng extortion kay Romualdez.
Aniya, natapos na raw kasi nila ang isinagawa nilang komprehensibo at mapanganib na pananaliksik para himayin ang umano’y korapsyon ni Romualdez noong nanunungkulan pa ito bilang Speaker sa Kamara at paraan lamang daw ang naging paghuli sa kanila upang sila ay patahimikin.
KAUGNAY NA BALITA: 'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez