May 22, 2026

Home BALITA

'Fake news si Meralco!' DSWD Sec. Gatchalian, pinagtanggol 4ps sa usapin ng electric bill

'Fake news si Meralco!' DSWD Sec. Gatchalian, pinagtanggol 4ps sa usapin ng electric bill
Photo courtesy: MB File photo

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi umano mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang dahilan ng mataas na singil sa kuryente nitong mga nakaraang buwan.

Batay sa pahayag ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na inilabas ng DSWD website noong Miyerkules, Mayo 6, 2026, tinawag niyang fake news ang Meralco at iginiit na dapat ang naturang kompanya na raw ang nagbabayad ng benepisyo ng 4Ps na nakapasan sa mga ordinaryong kumukonsumo ng kuryente.

“Una, fake news si Meralco. Hindi 4Ps ang rason kung bakit lumaki ang pag singil noong April. Yung bill shock na yun nanggaling sa sarili nilang generation. Tumaas ang generation expense nila,” pahayag ni Gatchalian.

Ayon pa sa kalihim, mababa lamang umano ang konsumo sa kuryente ng karamihan sa mga benepisyaryo ng 4Ps dahil kakaunti lang ang gamit nilang appliances sa bahay.

“Napakaliit lang ng kinukonsumo ng 4Ps. Una, pag sinumatotal mo lahat, ang average niyan, wala pang kalahati ng sentimo ang napupunta sa lifeline rate, ₱0.40 centavos. Ibig sabihin wala pang kalahati ng isang sentimo. Ganun kaliit, kasi nga ang 4Ps halos wala namang appliances sa bahay ‘yan para patakbuhin. To the most isang electric fan at ilang bumbilya. So, hindi sila ang rason kung bakit sumipa ng ganun kalaki,” dagdag niya.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Batay sa datos ng DSWD, nasa 135,411 lamang na 4Ps households ang kasalukuyang kabilang sa Lifeline Rate Subsidy Program kumpara sa mahigit 8 milyong customer ng Meralco mula sa residential, business, at industrial sectors.

Sinabi rin ni Gatchalian na bukas ang ahensya sa pagrepaso sa Expanded Lifeline Rate Law basta’t hindi maipapasa sa consumers ang dagdag na bayarin.

“Sang ayon kami doon sa panukala, maliit lang ito dapat i-absorb na ng Meralco. At sana, kapag tinawag na kami, tatawagin kami sa Senado para i-revisit ang panukalang iyan, ako ang sasabihin ko, biro mo, sa laki ng kanilang sinisingil, dapat sana sila mag-absorb nito. Parang CSR na nila, yung corporate social responsibility na nila,” ani Gatchalian.

Nagpasalamat din ang kalihim sa mga nagbabayad ng buwis na patuloy umanong tumutulong sa pagpapatuloy ng mga social protection program ng gobyerno.

“Nagpapasalamat kami sa middle class natin na patuloy na nag-provide sa pamamagitan ng buwis nila, ng pondo para mapatakbo ang mga programa na ito. Hindi natin maipagkakaila ‘yan na walang 4Ps kung walang middle class. At nagpapasalamat kami sa kanila. At sinasabi ko nga na itong mga programa nila ay programa para walang maiwanan,” saad pa niya.

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang paglobo ng electril bill ng karamihan kung saan ipinaliwanag ng Meralco ang mga salik na nakaapekto raw sa paniningil nila ng kuryente, kabilang na ang benepisyo ng 4Ps.

KAUGNAY NA BALITA: EXPLAINER: Iba't ibang charges na nagpataas sa electric bill nitong Abril