Iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi siya nababahala sa posibilidad na mawala sa kaniyang puwesto sa gitna ng nagpapatuloy na usapin ng impeachment laban sa kaniya.
Sa kaniyang pagharap sa mga tagasuporta at miyembro ng komunidad ng mga Pilipino sa Netherlands, sinabi ng bise presidente na maaari pa rin siyang makatulong sa publiko kahit wala na siya sa serbisyo ng gobyerno.
“Kung manatili akong Vice President, well and good… Kung hindi man din ako maging Vice President, okay lang din sa akin,” pahayag ni Duterte sa panayam sa kaniya ng kanilang tagasuporta.
Ayon pa sa bise presidente, hindi umano siya nakakapit sa posisyon at handa siya anuman ang kahinatnan ng impeachment complaints na inihain laban sa kaniya.
“Hindi ako gigil ba doon sa posisyon kasi, kahit anong posisyon naman kung gusto mo talagang tumulong sa mga tao pwede naman ‘yun,” dagdag niya.
Binanggit din ni Duterte na hindi niya hinangad noon ang pagtakbo sa pagkapangulo at nauna na rin umano siyang lumayo sa politika matapos magsilbing alkalde ng Davao City, habang patuloy pa ring tumutulong sa pamamagitan ng legal na serbisyo.
Kasabay nito, kinuwestiyon ng bise presidente ang tunay na layunin ng mga hakbang laban sa kaniya sa Kamara.
“Is this accountability or is this about removing a person who doesn't agree with the administration?” ani Duterte.
Pinabulaanan din niya ang alegasyong maaari siyang maghiganti sa politika kung mananatili siyang makapangyarihan.
“Hindi ako kilalang tao na… vindictive,” saad pa niya.
Samantala, nagpapatuloy ang pagtalakay ng Kamara sa mga reklamong impeachment laban sa bise presidente.
Inilahad din ni Duterte na kulang umano sa ebidensya ang mga alegasyon laban sa kaniya at nakabatay lamang sa mga hindi napapatunayang paratang.