Noong Martes, Mayo 5, isiniwalat ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto Lopez sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) na namamayagpag ang Land Transportation Office (LTO) bilang “most complained agency” sa bansa.
Ayon kay Lopez, batay raw ito sa datos na mayroon ang ARTA sa unang bahagi ng taong 2026.
“Latest, as of March 31, bumaba na po ang FDA from number 1 to number 3—ang number 1 most complained na po [ay] ‘yong LTO,” saad ni Sec. Lopez.
MAKI-BALITA: LTO, nangunguna bilang 'most complained agency'-Balita
Ngunit maliban sa LTO, ano pa ang mga ahensyang nakapasok sa 10 most complained agencies sa Pilipinas?
Base sa ulat ng Manila Bulletin, narito pa ang mga ahensyang nakatatanggap ng pinakamaraming reklamo mula sa publiko—sa unang bahagi ng taon.
- Bureau of Internal Revenue (BIR)
- Food and Drug Administration (FDA)
- Land Registration Authority (LRA)
- Philippine Statistics Authority (PSA)
- Department of Education (DepEd)
- National Telecommunications Commission (NTC)
- Department of Migrant Workers (DMW)
- Professional Regulation Commission (PRC)
- Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)
- Department of Science and Technology (DOST)
Depensa naman ni Lopez, karamihan sa nga reklamong natatanggap ng mga ahensya ay nabibigyan nila ng solusyon.
“Pero karamihan po dito, that cases that were filed to us, almost mga more than 90% are resolved, meaning closed,” anang kalihim.
“Dahil po ang ARTA, ‘pag nakakatanggap po kami ng complaint, nire-refer natin kaagad dito sa Committee on Anti-Red Tape. At alam po ninyo na kapag alam nila that ARTA is already onboarded, even before the hearing is set by ARTA, most of the time nire-resolve na po nila ito at hindi na po ito nai-elevate into a formal complaint,” paliwanag pa niya.