Mataas ang naging aktibidad ng bulkang Mayon kung saan napaulat ang sampung volcanic earthquakes at anim na volcanic tremors, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes, Mayo 7.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, nakalap ang mga impormasyon matapos nilang manmanan ang bulkan simula 12:00 ng hatinggabi noong Miyerkules, Mayo 6 hanggang 12:00 ng hatinggabi nitong Huwebes, Mayo 7.
Anang PHIVOLCS, naitala rin ang 297 rockfalls, dalawang pyroclastic density current signals o uson, pagdaloy ng lava—kasama na rin ang panaka-naka at mahinang strombolian activity.
Ayon sa ahensya, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Mayon sa kasalukuyan.
Ipinagbabawal din nila ang pagpasok sa anim na kilometrong radius Permanent Danger Zone; pati na rin ang paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng naturang bulkan.
Pinaalalahanan din ang mga residenteng malapit sa Mayon sa posibleng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, pag-itsa ng mga tipak ng bato o lava, katamtamang pagputok, uson, at pag-agos ng lahar.