Usap-usapan ang pagpa-follow nina Kapuso actress Heart Evangelista at Marian Rivera sa Instagram account ng isa’t isa kamakailan.

Kaya naman napagkuwentuhan nina Ambet Nabus, Rose Rivera, Jun Nardo, at DJ Jhai Ho ang dalawa sa isang episode ng “Marites University” nitong Biyernes, Oktubre 27.

“Ako, natuwa ako sa balita kasi pareho ko silang love,” sabi ni Ambet.

“Nakausap ko na po ang isa diyan. Pero wait na lang natin mga ka-Marites ang go signal na pwede kong itsika,” pahayag naman ni Rose.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Ayaw daw kasi nina Heart at Marian na lumabas na “showbiz” lang ang pagbabati nila. Pero tiniyak ni Rose na “legit”, “sincere”, at “totoong” nagkaayos na ang dalawa.

Sa katunayan, pinusuan pa nga nila ang post ng isa’t isa.

Matatandaan kasing kumalat ang bulung-bulungan noon ng kanilang alitan matapos umanong komprontahin ng ina ni Heart si Marian sa airport para sabihing layuan ng huli ang kaniyang anak.

Simula noon, hindi na nagkasama pa ang dalawa sa proyekto o maski sa mga picture taking.

Ayon sa mga ulat, may tatlong bersyon ng kuwento umano sa likod ng away ng dalawang aktres na nagsimula noong nasa Ilocos Norte sila.

Una ay noong na-provoke umano si Marian dahil sa "OA" reaction ni Heart nang malaman ng huli na sa kasunod nitong project ay makakasama nito si Dingdong na jowa noon ni Marian.

Inis na inis umanong kinompronta ni Marian si Heart at natakot naman ang huli. Nakarating sa ina ni Heart ang nangyari.

Pero nag-tweet si Heart noong Hunyo 15, 2011 at sinabing okay naman umano sila ni Marian.

“Showbiz is showbiz so, Heartworld, 'wag na tayo mag-away-away," sabi pa ng aktres.

Ngunit noong Hulyo 13, parehong taon, nagulat si Marian nang komprontahin nga siya ng ina ni Heart sa airport at sinabihang layuan ang anak nito habang may kasama pang labintatlong bodyguard pero ayon kay Rufa Mae Quinto ay lima lang.

Ang ikalawang bersyon naman ay mula sa ulat ng beteranong kolumnistang si Mario Bautista ng People Journal na naglalaman ng mga testamento ng nagngangalang “Trish Madrigal”.

May problema daw talaga sa pagitan nina Marian at Heart. Kinukulit kasi ng huli si Marian sa kakatanong kung kailan sila magpapakasal ng jowa nitong si Dingdong.

Inookray din umano ng dalawang kasama ni Heart ang pagsasalita ng Tagalog ni Marian at tinawag pang “Bobita”. Bukod dito, nilait din ng mga ito ang edad at kutis ng aktres.

Pagkatapos, nagkatsikahan sina Marian at Lovi Poe tungkol sa mga tao sa showbiz na pakitang-tao lang.

Na-offend si Heart sa pinag-usapan ng dalawa, Tinawagan niya ang kaniyang ina at ilan niyang fan.

Pero nagkaayos din naman ang dalawa. Sinabi ni Heart sa kaniyang mga fans na huwag nang gumawa pa ng gulo at huwag na ring magbato ng masasakit na salita kay Marian.

Lumapit daw kasi si Lovi kay Heart para ipaliwanag na hindi hindi ito kabilang sa mga pakitang-tao sa showbiz na pinag-uusapan nila ni Marian.

Ngunit tila hindi umano totoo ang pakikipag-ayos ni Heart dahil nang makarating nga sila sa airport, binulyawan ng nanay nito si Marian matapos tangkain ng huli na mag-goodbye kiss sa kapuwa aktres.

Samantala, ang huling bersyon ay mula mismo kay Heart Evangelista.

Ayon sa aktres, binantaan umano siya ni Marian na papatayin ng mga fans nito.

Itinanggi rin ni Heart ang nangyari sa airport. Hindi raw totoo na pulis ang dala nila noon. Security airport lang daw ang mga iyon. At binati naman umano ng nanay niya pabalik ang mga artistang bumati rito.

"Masama lang po ang loob ko dahil nabaligtad na po ang sitwasyon," sabi pa ni Heart.

Matatandaang huli silang nagkatrabaho sa 2011 comedy film na "Temptation Island" kasama sina Rufa Mae Quinto, Lovi Poe, at Solenn Heussaff.