Nabanas si Kapuso Comedy Queen Ai Ai Delas Alas nang makarating sa kaniyang kaalamang ginagamit siya ng isang health and wellness product sa advertisement nang walang pahintulot upang makapagbenta sa mga umano'y malalang sakit.

Ang mas malala, pinalabas pa raw na na-stroke siya at gumaling dahil sa nabanggit na brand.

Convincing ang larawan dahil makikita ang komedyana na nakaratay sa isang hospital bed, may salaksak na mga tubo sa bibig, at may benda pa sa ulo.

Palag ni Ai Ai, hindi siya nagka-stroke at ang nabanggit na larawan ay mula sa kaniyang teleserye sa GMA Network na "Raising Mamay."

National

Gatchalian kay Guo: 'See you tomorrow, sana magsabi ka na ng totoo!'

“Ginagawan n’yo ako ng sakit. Walang hiya, ginamit n’yo pa ang picture ko doon sa teleserye namin, ’yung 'Raising Mamay,' na may sakit ako sa ospital,” pahayag ni Ai Ai sa kaniyang Facebook video na naka-upload nitong Miyerkules, Oktubre 25.

“Mga walang hiya kayo. Iyon pa ’yong talagang ginamit n’yo para makapagbenta kayo ng tinitinda n’yong produkto? Sinasabi n’yo pa na na-stroke ako? Mga p*nyeta kayo!” dagdag pa niya.

Hirap na hirap daw mag-ehersisyo ang komedyante upang mapanatiling malusog at malakas ang katawan dahil sa kaniyang edad, pagkatapos ay sasabihin lang daw ng ibang tao na na-stroke siya.

Pinakiusapan ni Ai Ai ang publiko na huwag suportahan ang nabanggit na brand at pina-report na ang Facebook account nito sa mga netizen.

Sa kasalukuyan ay hindi na makita ang nabanggit na page.

"Dun sa mga nag aalala saken hindi po ako na stroke or may sakit wag kayong naniniwala sa mga nakikita nyo sa feed .. At kayong mga scammer na nag bebenta nyan tigilan nyo na yang panggamit ng picture ko sa Raising Mamay ... atsaka yung picture ko sa endorsement ko na coffee mga shutang inames ninyo ginamit nyo na lahat walanghiya binigyan nyo pa ako ng sakit ... matakot kayo sa karma.. at sa CCTV ni LORD .. nakupo nakakatakot ang karma pag bumalik sa inyo yan goodluck . ... Alam nyo ba kaya ako nag post ng exercise at mga dancing dito para inspirasyon sa mga kagaya kong nanay na minsan nawawlan na sila ng pag asa pumayat at maging healthy..mahirap mag papayat mahirap mag exercise pero kailngan para healthy ang pangangatawan naten ... tapos kayo kung ano ano pinopost nyo kakagigil kayoiooo," mababasa sa Facebook caption ni Ai Ai.

Hindi pa malinaw kung balak bang kasuhan ni Ai Ai ang mga tao sa likod ng produktong ito.