Magandang balita dahil inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makakaasa ng mas mataas na sahod sa pagpasok ng Nobyembre ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Ilocos Region at Western Visayas.

Sa isang pahayag nitong Martes, Oktubre 24, inanunsyo ng DOLE na inaasahan nilang nasa 287,683 minimum wage earners mula sa mga pribadong establisimyento sa rehiyon ng Ilocos at Western Visayas ang direktang makikinabang sa naturang pagtataas ng sahod sa susunod na buwan.

Ito’y matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Oktubre 19, 2023 ang wage order na isinumite ng Regional Tripartite Wages at Productivity Boards (RTWPBs) ng Rehiyon 1 at 6.

Nabatid na humigit-kumulang 677,626 full-time wage at salary workers na kumikita ng mahigit sa minimum na sahod ang maaari ring makinabang bilang resulta ng pagsasaayos ng sahod sa antas ng negosyo na nagmumula sa pagwawasto ng wage distortion.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Naglabas din ang RTWPB 1 at 6 ng wage order para itaas ang sahod ng mga kasambahay, na inaasahang pakikinabangan ng may 259,820 kasambahay–kung saan itinataya na 23% o 58,517 sa mga ito ay nasa live-in arrangements, at ang 77% naman o 201,303 ay live-out.

Sa ngayon, may walong RTWPB na ang naglabas ng kani-kanilang wage order, kung saan tatlo ang sinimulan na motu proprio.

RTWPB – 1 Wage Order

Nabatid na naglabas ang RTWPB I (Ilocos Region) motu proprio ng Wage Order No. RB 1-22 noong Oktubre 10, 2023, na nagbibigay ng ₱30-₱35 pagtaas sa arawang minimum na sahod sa rehiyon.

Sa sandaling maging epektibo, ang minimum na sahod ay magiging ₱435 para sa non-agricultural establishments na may 10 o higit pang manggagawa at ₱402 para sa agricultural at non-agricultural establishments na wala pang 10 ang manggagawa.

Sa parehong pagsisikap na maitaas ang sahod ng mga kasambahay, inilabas din ng RTWPB 1 ang Wage Order No. RB 1-DW-04 na nagbibigay ng buwanang pagtaas ng ₱500 kung saan magiging ₱5,500 ang buwanang sahod ng kasambahay sa nasabing rehiyon.

Naipalathala ang wage order ng RTWPB 1 noong Oktubre 21, 2023, at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa Nobyembre 6, 2023.

RTWPB – VI Wage Order

Samantala, sa pamamagitan ng petisyon, inisyu ng RTWPB VI (Western Visayas) ang Wage Order No. RBVI-27 noong Oktubre 16, 2023, kung saan itinaas ng ₱30 ang minimum na sahod sa lahat ng sektor. Sa sandaling magkabisa ito, ang arawang minimum na sahod sa rehiyon ay magiging ₱480 para sa mga non-agriculture establishment  na may higit sa 10 manggagawa, ₱450 para sa non-agriculture establishment para sa may 10 manggagawa pababa, at ₱440 naman para sa mga manggagawa sa agrikultura.

Inilabas din ng Regional Board ang Wage Order No. RB VI-DW-05, na dinagdagan ng ₱500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay kung saan magiging ₱5,000 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.

Ipapalathala ang wage order ng RTWPB VI sa Oktubre 31, 2023 at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa Nobyembre 16, 2023.

Nabatid na isinasaalang-alang sa pagbibigay ng dagdag-sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, ito man ay resulta ng motu proprio act ng Board o petisyon na inihain ng mga grupo ng manggagawa na humihiling ng pagtaas sa arawang sahod dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang bawat Board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, namumuhunan at manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig at deliberasyon sa sahod.

Gaya ng anumang wage order, at tulad ng itinatakda ng NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, maaaring mag-apply sa RTWPB ng exemption mula sa pagtaas ng sahod ang mga retail/service establishment na may regular na manggagawa na hindi hihigit sa sampu, at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad. 

Hindi naman anila saklaw ng batas sa minimum na sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs), alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].