Agad na nag-sorry si “It’s Your Lucky Day” main host Luis Manzano sa naging joke ng komedyanteng si “Petite” tungkol sa “kidney disease.”

Sa episode ng It’s Your Lucky Day nitong Martes, Oktubre 24, sinagot ng bawat host ang “Question of the Day” ng show na “Ano ang isang desisyon ninyo sa buhay na pinili n’yong gawin noon, pero ngayon, pinagtatawanan n’yo na lang?”

Tulad ng nakasanayan ng hosts, si Petite ang unang sumagot sa katanungan.

“Siguro sa jowa,” tila kwelang sagot ni Petite. “Totoo pala ‘yung kasabihan na: ‘Oh pag-ibig ‘pag tumama sa puso, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Petite sinita sa 'katutubo' joke patungkol kay Negi

Doon na nag-joke si Petite ng kuwento umano tungkol sa ex niyang nagkaroon daw ng “kidney failure.”

“Kasi ‘yung ex ko, nagkasakit siya. Nagkaroon siya ng kidney failure. Kailangan po ng donasyon ng kidney para sa kaniya. So ‘yung lola ko, kinausap ko. Sabi ko ‘lola baka pwedeng ibigay mo na lang ‘yung kidney mo kasi bata pa siya.’ Hindi pumayag ‘yung lola ko, so ang ginawa ko, kinuha ko nang manu-mano [‘yung kidney]. Gamit ko lang ‘yung nail cutter.”

Biro pa niya, kapag bumibisita raw ang kaniyang jowa sa bahay nila, napapasigaw na lamang daw ang kaniyang lolang nasa wheelchair dahil sa tila trauma raw na inabot niya rito.

Pagkatapos non, sumagot naman sa “Question of the Day” ang ibang hosts na sina Tetay, Kyle Echarri, at Andrea Brillantes.

Matapos ang naging sagot ni Andrea tungkol sa pag-ibig, humirit pa si Petite na buti raw at walang pinagsisisihan ang aktres.

“Ang importante, wala kang pinagsisisihan, kasi ako akala ko ang nabigay ko kidney, atay pala,” hirit ni Petite na nagpatawa naman sa ibang hosts.

Samantala, habang nagkukulitan ang hosts sa naging pagsagot ni Robi Domingo sa “Question of the Day” ng show, umentra na si Luis para mag-sorry sa naging joke ni Petite.

“Sandali ah, babawian ko lang… Kasi si Petite kanina nag-joke tungkol sa pinagdadaanan ng mga may kidney disease. Hindi po biro lahat ng pinagdadaanan ng may mga renal conditions, kidney disease. So kumbaga, sorry po don sa mga—pasintabi lang doon sa mga kumbaga medyo naapektuhan po. So we apologize po for that joke,” saad ni Luis.

Hindi naman nagsalita si Petite pagkatapos ng naging paghingi ng tawad ni Luis sa kaniyang naging joke.

Samantala, matatandaang pinalagan ng mga netizen ang naging “katutubo” joke ni Petite sa kaniyang vlog kamakailan.