Nanawagan si Senador Christopher "Bong" Go sa kinauukulang ahensya ng gobyerno na i-update ang listahan ng indigent senior citizens, alinsunod umano sa bagong batas na Republic Act No. 11916 na nag-uutos na itaas ang pensyon ng nakatatandang mahihirap sa bansa.

Ang nasabing Republic Act No. 11916, o ang “Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens, ay naglalayong itaas ang pensyon ng indigent senior citizens mula ₱500 tungo sa ₱1,000, kung saan si Go umano ang co-author nito sa Senado.

“This amendment is a step forward in ensuring a better quality of life for our senior citizens. It's crucial that we provide them with the necessary support to live comfortably,” ani Go sa isang pahayag nitong Linggo, Oktubre 22.

“Nandiyan na ang batas. Dapat maimplementa ito nang maayos para mapakinabangan ng taumbayan lalo na ng mga matatanda na sakop ng batas na ito. Ibigay dapat ang nararapat sa kanila at huwag patagalin pa,” dagdag pa niya.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Samantala, binanggit din ni Go ang Seksyon 6 ng RA 11916 na nag-uutos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na kalauna’y nag-transition sa National Council for Senior Citizens (NCSC), upang taunang i-update at i-validate ang listahan ng mga benepisyaryo sa tulong ng Philippine Statistics Authority (PSA) at local government units.

"It's imperative that we review and promptly update the list of beneficiaries to ensure that the aid reaches the senior citizens who are truly qualified to benefit from the law," saad ni Go.

Iginiit din ng senador na nasa kultura na ng mga Pilipinong alagaan ang mga senior citizen, kaya’t dapat umano silang suportahan ng pamahalaan.

“Nasa kultura na nating mga Pilipino na alagaan ang ating mga nakakatanda. Dapat natin silang suportahan at bigyan ng pagkilala. Habang kaya pang pakinabangan at ma-enjoy ng senior citizen ang cash gift, ibigay na natin sa kanila,” ani Go.

“Prioritizing the needs of the underprivileged, especially senior citizens, in public service delivery is paramount. Rest assured, I will continue to support programs aimed at improving the lives of the elderly,” saad pa niya.