Inihayag ng Professional Regulation Commission (PRC) nitong Lunes, Oktubre 23, na 55.26% o 1,076 sa 1,947 examinees ang nakapasa sa October 2023 Forester Licensure Examination.

Sa inilabas na resulta ng PRC, kinilala si Maricel Payusan Carreon mula sa Cebu Technological University – Argao bilang topnotcher matapos siyang makakuha ng 92.45% score.

Hinirang naman bilang top performing school ang University of the Philippines – Los Baños matapos itong makakuha ng 97.50% overall passing rate.

Isinagawa umano ang naturang pagsusulit mula Oktubre 17 hanggang 18, 2023 sa mga testing center sa National Capital Region (NCR), Baguio, Butuan, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga. 

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Ayon pa sa PRC, nakatakdang maganap ang online appointments para sa issuance ng Professional ID at Certificate of Registration para sa bagong professional foresters sa Nobyembre 28 hanggang 30 at Disyembre 1, 2023.

“Initial registrants are advised to register online via the PRC official website https://online.prc.gov.ph/ and follow the steps in online registration,” saad ng PRC.