Inaasahang magpapaulan ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng Luzon ngayong Sabado, Oktubre 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON bunsod ng shear line.

Posible namang maranasan ang maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, at Kalinga dulot ng amihan.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

PAGASA, idineklara ang pagsisimula ng ‘amihan’ season

Samantala, maaaring magkaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley dahil din sa amihan.

Wala naman umanong posibleng epekto ang naturang magiging pag-ulan sa mga nasabing lugar. 

Bukod dito, medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.