95 OFWs mula sa Saudi Arabia, dumating na sa Pilipinas
Nakauwi na sa bansa ang 95 overseas Filipino workers (OFWs) na nagkaproblema sa kani-kanilang employer sa Saudi Arabia kamakailan.
Sa Facebook post ng Department of Migrant Workers (DMW), ang mga manggagawang Pinoy ay dumating sa bansa dakong 12:30 ng hapon, Oktubre 21.
Kabilang sa mga umuwi sa bansa ang tatlong anak ng mga Pinoy worker.
Karamihan sa mga OFW ay dumanas ng pang-aabuso ng kanilang employer kaya't napilitan silang tumakas.
Bago pa umuwi ng Pilipinas, binigyan na sila ng tig-US$200 bilang paunang financial support ng pamahalaan, ayon naman sa pahayag ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac.
Inaasikaso na sila ng composite team mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at National Reintegration Center for OFWs (NRCO) upang tuluyang makauwi sa kani-kanilang probinsya.