Inaasahang uulanin ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Oktubre 20, dahil sa northeasterly windflow at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, at Kalinga bunsod ng northeasterly windflow.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, maaaring magkaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR), at Cagayan Valley dahil din sa northeasterly windflow.

National

Sandro Marcos, hiniling ‘peace of mind’ at ‘mental clarity’ ni VP Sara

Walang magiging epekto ang naturang pag-ulan sa mga nasabing lugar, ayon sa PAGASA.

Medyo maulap hanggang sa maulan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa shear line o localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag din ng PAGASA na wala naman umano itong binabantayan na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).