BSKE: Illegal campaign materials, babaklasin sa Maynila -- Comelec
Wawasakin ng Commission on Elections (Comelec) ang illegal na campaign materials na ikinabit ng mga kandidato sa pagsisimula ng kampanya para sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon.
"May ilang paglabag tulad ng paglalagay sa poste at sa kawad ng kuryente. Mag-ingat-ingat lang baka makuryente... este ma-disqualify sila," pahayag ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia.
Dahil dito, nakatakdang pangunahan ni Garcia ang isasagawang Oplan Baklas sa Maynila sa Biyernes, Oktubre 20, ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco.
Sabay-sabay aniya ang isasagawang pagwasak sa mga campaign materials na illegal na nakakabit sa pampubliko at pribadong lugar.
Ipatutupad ang Oplan Baklas mula Oktubre 20-27, ayon sa Comelec.
Idinagdag pa ng opisyal na padadalhan nila ng show cause order ang mga kandidatong sangkot sa usapin.
PNA