Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na “tunay na bayani” ang mga lokal na magsasaka dahil sa pagtiyak umano ng mga ito na natatamasa ng bawat Pilipino ang masusustansyang pagkain.

Sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Oktubre 15, ibinahagi ni Duterte na bukod sa pag-akyat niya sa mga bundok, nakasama rin daw niya ang mga lokal na magsasaka nang bumisita siya sa lalawigan ng Cebu kamakailan.

“Nakakataba ng puso ang makasama at makilala ang mga masisipag na magsasaka na abala sa pag-aayos ng kanilang mga pananim na pechay at sayote sa gilid ng daan, handang i-empake at ihanda para sa mga susunod na hakbang ng kanilang araw-araw na pamumuhay,” kuwento ni Duterte.

Ibinahagi rin ng bise presidente na dahil sa kuwentuhan nila ng mga magsasaka, natutunan daw niya ang iba’t ibang uri ng lupa, ang kahalagahan ng tamang paggamit ng pataba, maging ang epektibong paraan ng pagkontrol ng mga peste.

VP Sara namundok; inakyat ang Osmeña Peak sa Cebu

“Isa sa mga di-malilimutang karanasan ay ang pagkakataong makita ang proseso ng pagbibitbit ng mga gulay mula sa taniman hanggang sa kalsada. Ibinahagi nila na mahalaga ang maingat na paghawak sa mga ani dahil ang bawat bugbog o tama sa mga ito ay maaaring makasira sa kalidad ng kanilang produkto,” ani Duterte.

“Ang bawat kuwento at karanasan ay nagpapaalala sa akin ng kahalagahan ng bawat hakbang na ginagawa ng ating mga magsasaka para sa kanilang mga pamilya at sa ating komunidad,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan si Duterte sa bawat Pilipino na patuloy umanong suportahan ang mga lokal na magsasaka sa bansa.

“Sila ang tunay na bayani sa likod ng bawat masustansyang pagkain na ating natatamasa. Maraming salamat sa inyong kwento at tiyaga,” saad ni Duterte.

Matatandaang ibinahagi rin ng bise presidente kamakailan ang kaniyang pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa Cebu na “Osmeña Peak” sa Dalaguete, Cebu.