Siniguro ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko nitong Lunes, Oktubre 16, na agad na maisasaayos at maibabalik ang na-hack na website ng Kamara.

Matatandaang nitong Linggo ng tanghali, Oktubre 15, nang kumpirmahin ni House Secretary General Reginald Velasco ang nangyaring pag-atake ng hackers sa kanilang opisyal na website.

Kaugnay nito, agad umanong nag-imbestiga at gumawa ng aksyon ang DICT upang maresoluba ang isyu.

DICT, naglabas ng pahayag hinggil sa pag-hack sa website ng Kamara

Sa pahayag din ng DICT nitong Lunes, iniulat nitong agad na tinanggal ng Kamara online ang kanilang website upang mapigilan umano ang “unauthorized access ng threat actor.” Agad din daw nilang ini-report sa DICT – Philippine National Computer Emergency Response Team (CERT-PH) ang nangyari.

“Kaugnay nito, ang CERT-PH ay nagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman kung may mga sensitibong impormasyon na nakuha ang threat actor na sangkot sa insidente,” anang DICT.

“Nagbigay rin ang CERT-PH ng mga rekomendasyon sa HOR IT Team upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap,” dagdag pa nito.

Samantala, ipinaalam naman ng DICT sa publiko na gumagawa na ito ng paraan upang maiayos ang security vulnerabilities ng website ng Kamara sa lalong madaling panahon.

“Ang mga susunod na hakbang ng imbestigasyon, kabilang ang threat actor attribution at case build-up, ay isasagawa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center katulong ang mga law enforcement agencies.” saad ng DICT.

“Ang DICT ay nananatiling isang aktibong kaakibat ng mga ahensya ng gobyerno sa paggampan ng kanilang pangunahing responsibilidad na panatilihin ang seguridad at kaligtasan ng kanilang mga ICT systems at infrastructure mula sa mga cyber threats,” dagdag pa nito.